Pokus ng Pandiwa
Ang tawag sa relasyon ng pandiwa sa simuno o paksa ay pokus ng pandiwa. Naipapakita ito sa taglay na panlapi ng pandiwa. Ito ang pinagtutuonan ng pansin ng pandiwa sa pangungusap.
Mga Uri ng Pokus ng Pandiwa
1. Aktor / Tagaganap – Ang simuno o paksa ang gumaganap ng kilos sa pangungusap. Sinasagot nito ang tanong na "Sino ang gumagawa ng kilos?"
Ginagamitan ito ng mga panlaping mag-, um-, mang-, ma-, maka-, makapag-, maki-, o magpa-
Halimbawa: Nagluto si Melay ng paksiw.
Tanong: Sino ang nagluto?
Sagot: si Melay (pokus sa aktor o tagaganap)
2. Layon / Gol – Ang paksa ang layon ng pandiwa sa pangungusap. Sumasagot ito sa tanong na "Ano ang tinutukoy ng kilos? "
Ginagamitan ito ng mga panlaping –in-, i-, -an, ipa-, ma- o na-
Halimbawa: Kinain ni Matsing ang saging.
Tanong: Ano ang kinain?
Sagot: ang saging (pokus sa layon o gol)
3. Ganapan / Lokatib – Ang paksa o simuno ang lugar na ginaganapan ng pandiwa sa pangungusap. Sumasagot ito sa tanong na "Saan ginanap ang kilos?"
Ginagamitan ito ng mga panlaping pag-/–an, -an/-han, ma-/-an, pang-/–an, mapag-/-an, pinag-/-an o in-/-an
Halimbawa: Pinagdausan ng programa ang Philippine Stadium.
Tanong: Saan ang pinagdausan ng programa?
Sagot: ang Philippine Stadium (pokus sa ganapan o lokatib)
4. Gamit / Instrumental – Ang simuno o paksa ang kasangkapan o bagay na ginagamit upang maisagawa ang kilos ng pandiwa sa pangungusap. Sumasagot ito sa tanong na "Ano ang ginamit sa kilos?" o "sa pamamagitan ng ano?"
Ginagamitan ito ng mga panlaping pang-, maipang- ...
Halimbawa: Ang sandok ang ipinangkuha ni Manang Linda ng adobong manok.
Tanong: Ano ang ginamit na ipinangkuha ng adobong manok?
Sagot: ang sandok (pokus sa gamit o instrumental)
Narito ang iyong free worksheet ng aralin na maaari mong i-download at pagsanayan: Pokus ng Pandiwa Worksheet
0 Comments